Food establishment, mahigpit na minomonitor hinggil sa solid waste management
Mahigpit na minomonitor ngayon ng Pamahalaang Panlungsod ng Lucena ang mga food establishment upang matukoy kung sumusunod ang mga ito sa tamang pamamahala ng mga basura.
Sa regular sesyon ng Sangguniang Panlungsod nitong Lunes, sinabi ni Alyssa Mijares, hepe ng City General Services Office, na inatasan ni Lucena City Mayor Mark Alcala ang mga ahensiya ng lokal na pamahalaan na siyasatin ang mga food establishment kung tumatalima sa patakaran sa solid waste management. Kaugnay rin aniya ito sa compliance ng mga establisyimento sa mga requirements ng Business Permit and Licensing Office ng Lokal na Pamahalaan.
“Balikan ko lang po ‘yung December 17, nagpatawag po kami sa mga food industry dahil ang utos po ni Mayor Mark Alcala ay iharap na daw ang BPLO so that they would understand their compliance with existing enviromental laws and impact of their compliance or non-compliance to their business permit application and renewal”
Ayon kay Mijares, ang food industry ang pinakamalaking waste generator ng siyudad dahil na rin sa pagiging highly urbanized city at patuloy na pag-unlad ng Lucena.
Simula ngayong Enero ay nag-iikot na ang mga ahensiya ng LGU sa mga food establishment at nakakabit ng notice sa mga sumunod sa mga ordinansa at environmental laws.
Tinalakay sa Sangguniang Panlungsod ang solid waste management kaugnay sa naging pribilehiyong talumpati ni Konsehal Manong Nick pedro sa usapin ng climate change at paghahanda ng lokal na pamahalaan ukol dito.