Full Circle: Kapatid Mentor Me Program ng DTI inilunsad sa Laguna
Full circle, ito ang maaaring mailarawan sa kalulunsad muling programa ng Department of Trade and Industry sa Lalawigan ng Laguna. Ayon sa DTI, ang Kapatid Mentor Me Program ay unang inilunsad sa lalawigan bilang pilot province at ngayon ay isinasagawa na sa iba’t ibang probinsya sa buong bansa. Ang paglulunsad muli ng programa ngayon sa Laguna ay nagkaroon ng mahigit tatlong daang partisipante mula sa iba’t ibang bayan ng lalawigan. Dumalo naman sa okasyon si Ms. Sherill Quintana at Clark Nebrao kapwa mentors o ilan sa mga nagtuturo sa mga participants kung papapaano mapapalaki ang kanilang hanap-buhay. Si Quintana ay nag-e-export na ng kanyang mga produkto sa ibang bansa mula sa isang simpleng pag-uumpisa ng kanyang negosyo. Si Nebrao naman ay isa sa mga mentees sa kauna-unahang Mentor Me Program ay ngayon ay head ng Association of Laguna Food Processors, na katulad ni Quintana ay umiikot sa bansa upang magsalita katuwang ng DTI ukol sa programa nito.
Ang mga participants ng programa ay sasailalim sa masusing pagsasanay sa loob ng eleven weeks. Sa huli ay magpe-presenta ang mga lumahok sa programa ng kanilang mga proposals o business plan sa kanilang mga mentors at iba pang taga-DTI upang mapatunayan ang kanilang natutunan sa Mentor Me Program. Pagkatapos nito ay hihiranging graduates ang mga ito bilang patunay na sila ay sumailalim sa programa ng ahensya.