GAD Code ng Batangas Province palalakasin
Mas palalakasin pa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang kanilang Gender and Development Code na inapasa noong Marso ng taong 2012. Sa pagpupulong ng Gender and Development o GAD Technical Working Group ibinahagi ng Chairperson nito, Ms. Florita Lachica ang mga napagkasunduang ipanukala sa Sangguniang Panglalawigan ng Batangas upang mas lalong mapalakas ang kasalukuyang Gender and Development Code ng lalawigan.
Una dito ay ang pangangalap ng datos upang malaman ang bilang ng mga babaeng entreprenur para malaman at makabuo ng mga programang aangkop sa mga ito. Pangalawa ay para sa mga Solo Parents, babae man o lalaki na may mga anak na 10 taon pababa para mabigyan ng flexible time schedule sa kanilang trabaho na ang layunin ay magkaroon ng sapat na panahon para magampanan ang pagiging magulang sa kanilang mga anak. Ikatlo ay ang pagkakaroon ng Child Minding Centers para sa mga batang edad 3 taon pababa. Isang center na katulad ng Day Care upang dito pansamantalang iwan ang mga bata habang ang kanilang mga magulang ay nagta-trabaho. Sa panukala ay popondohan ang center ng pamahalaang panlalawigan ng Batangas.
Ang Pilipinas ang nangunguna sa South East Asia Region sa pagtataguyod ng Gender and Development initiatives. Isinusulong ito sa iba’t ibat ibang bansa upang makatulong sa pagkakapantay pantay sa oportunidad ng mga kalalakihan at kababaihan.