News

General Nakar, ipinadama ang buong suporta sa mga Indigenous People’s

Sa isinagawang Local Peace Engagement with IPs at Indigenous People’s Summit sa Octagon Crest, Brgy. Anoling, General Nakar, Quezon, inilatag ni Mayor Esee Ruzol ang iba’t ibang programa ng Lokal na Pamahalaan para sa mga katutubo.

Kabilang rito ang pagtatalaga ng Indigenous People Mandatory Representative o IPMR, kung saan ang bayan ng General Nakar ang kauna-unahang nakagawa nito sa buong lalawigan ng Quezon.

Sa kasalukuyan, bukod sa IPMR na pambayan, mayroon na ring IPMR na nakatalaga sa ilang mga barangay.

Ang pagkakaroon nito ay pagbibigay-tinig sa mga katutubo upang maging aktibo silang katuwang sa pagbubuo ng mga programang pang-kaunlaran.

Bukod pa rito ay ang mga proyektong pangkabuhayan at pagbibigay ng suportang pinansyal sa mga nabuong organisasyon ng mga katutubo.

Binigyang-diin din ng Alkalde na sa ilalim ng kanyang administrasyon, marami nang mga programa at proyekto ang inilaan at patuloy pa ring isinusulong ng pamahalaan para tulungang maiangat ang antas ng kabuhayan ng mga kapatid na katutubo.

Ipinaalala rin ng Punong Bayan ang kahalagahan ng pagkakaisa para sa kaunlaran at kapayapaang aniya’y magandang regalo na maaari ipamana para sa susunod pang henerasyon.

Pin It on Pinterest