Halaga ng pinsala sa mga kalsada, tulay sa Calabarzon dahil sa Bagyong Paeng pumalo na sa P967 milyon
Umabot na sa P2 bilyon ang halaga ng naging pinsala ng nagdaang bagyong Paeng sa mga kalsada, tulay at flood-control structures sa bansa, ayon sa inisyal na assessment ng Department of Public Works and Highways.
Halos kalahati sa halagang ito ay nasa rehiyon ng Calabarzon na pumalo na sa P967 milyon, batay sa datos ng DPWH ngayong Huwebes ng umaga.
Sa ngayon, tatlo sa mga national roads at tulay sa rehiyon ang nananatiling hindi madaanan: ang Talisay-Laurel-Agoncillo Road sa Laurel, Batangas na nakitaan ng bitak, Tagaytay – Taal Lake Road sa Cavite na nagkaroon ng landslide at ang gumuhong Bantilan Bridge sa Sariaya, Quezon.
Ayon sa ahensiya, patuloy ang clearing operations sa mga natitirang saradong kalsada habang tinitiyak na may mga warning sign at barikada para sa kaligtasan ng publiko.
Samantala, isa namang mambabatas ang humihiling sa DPWH na bilisan ang pagsasaayos sa mga nasirang imprastruktura sa bansa bunsod nang nagdaaang bagyo.
Sa naging liham ng chairman ng Senate Committee on Public Works na si Senator Ramon Bong Revilla, Jr. kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, sinabi nito na ang mga nasirang tulay ay kailangang maisaayos sa madaling panahon dahil pangunahin itong kailangan ng mga residente.