News

Healthy public food procurement policy, ipapatupad sa Infanta, Quezon

Planong bumuo ng local government ng Infanta, Quezon ng healthy public food procurement policy matapos ang naging pagpupulong sa ImagineLaw nitong Martes upang mapabuti ang pangkalahatang pangkalusugan at nutrisyon ng nasasakupan nito.

Ang ImagineLaw ay isang public law group na nagsusulong ng mga programang para sa kapakanan ng mga Pilipino.

Isa na nga dito ang healthy public food procurement policy na layong magkaroon ng malusog at ligtas na food standards sa isang bayan. Paraan din umano ito upang makaiwas sa hypertension, diabetes, obesity at iba pang non-communicable diseases o hindi nakahahawang sakit ang bawat mamamayan.

Dumalo sa pagpupulong ang mga miyembro ng Local Nutrition Committee at iba pang konsernadong tanggapan ng lokal na pamahalaan.

Ayon sa Infanta LGU, sa mga susunod na araw ay nakatakdang isagawa ang mga aktibidad kaugnay sa partnership nila at ImagineLaw upang sa lalong madaling panahon ay masimulan ang inisyatibong ito.

Samantala, una nang ipinatupad ang nasabing polisiya ng Quezon City LGU.

Sa executive order na nilagdaan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte noong 2021, inaatasan ang lahat ng tanggapan, departamento, institusyon at task force ng pamahalaang lungsod na tiyaking ang lahat ng pagkain at food supplies na binibili ng LGU para sa mga proyekto at programa nito ay dapat sumunod sa QC Nutrition Standards.

Pin It on Pinterest