Higit 580 na PWD sa Barangay Dalahican, tumanggap ng birthday cash incentive
Mahigit na 580 na miyembro ng Person with Disability (PWD) Community sa Barangay Dalahican sa Lucena City ang tumanggap ng tila maagang pamasko mula mismo sa kanilang Sangguniang Barangay sa pamamagitan ng birthday cash incentive na ipinamahagi ilang linggo bago ang pasko.
Sa panahon ngayon na mataas ang presyo ng mga bilihin at serbisyo, ang handog na ito ng barangay ay malaking tulong.
“Cash po iyon kahit saan po nila gamitin ‘yung cash na ibinigay namin na worth of P300 so lahat yoon ay magagamit nila pambili nila ng gamot at pambili nila ng bigas,” sabi Kap. Macinas.
Sinabi ni Kapitan Roderick Macinas na siyang nanguna sa pagbibigay ng naturang insentibo, lahat ng PWD sa kanilang barangay ay nabiyayaan. Bukod pa ito sa ibinibigay ng lokal na pamahalaan.
Ito ay bilang bahagi daw ng pagkalinga at pagmamahal ng barangay sa sektor na ito na taon-taon na isinasagawa mula nang maging ama ng kanilang komunidad si Macinas.
“Although nakapagbibigay din ang ating City Government, gusto rin po natin na makatulong sa hanay ng barangay. Gusto rin po namin ma iparamdam sa kanila na pina-priority po natin ‘yung mga ganitong sektor sapagkat ‘yung equality na mga tulong sa ating barangay lalo na ang sectoral na ‘yan ay mas nangangailangan ng tulong sa ating barangay,” ani Macinas.
Ang aktibidad na ginanap sa kanilang multi-purposed covered court ay nagmistula na rin na get together o Christmas Party ng mga PWD. Bukod sa financial assistance, may kasiyahan din na naganap. Ligaya naman ang hatid sa mga PWD ng nabunot sa raffle gaya ng bigas at iba’t ibang mga kagamitan.
Pinag-aaralan ng sangguniang barangay na sa mga susunod na panahon na madagdagan pa ang halaga ng insentibong na taunang ibinigay ng barangay sa naturang sektor.
Samantala, nakatakda na rin na ipimahagi ng barangay ang katulad na programa sa mga nakakatandang sektor ng kanilang lugar.