News

House-to-House Campaign at Iba pa, Ipinagbabawal ng COMELEC

Ibinahagi ni Lucena City DILG Dir. Danny Nobleza sa programang ‘Usapang Tapat ni Manong Nick’ ang mga hindi pinapayagan na gawain sa pangangampanya para sa Halalan 2022.

Aniya, mahigpit na ipinagbabawal sa in-person campaign ang pagpasok ng mga kandidato sa mga bahay-bahay kahit may permiso ng may-ari. Bawal din ang pagkukumpulan na labag sa health protocols. Hindi rin aniya pinapayagan ang anumang physical contact sa mga kandidato at sa mga kasama nito.

“Ito na nga po ‘yung kontrobersyal na ‘no handshakes, hugs, kisses, or any action that involves physical contact’,” ani Nobleza.

Bawal din aniya ang malapitang pagkuha ng selfie sa mga kandidato at sa kanilang mga kasama. Ipinagbabawal din aniya pamimigay ng pagkain, inumin o anumang bagay ng mga kandidato.

Ayon pa kay Nobleza may mga ipinagbabawal din na gawain pagdating sa mga motorcades at caravan.

“Ito naman ‘yung motorcades at caravans, ‘no stopovers, layovers, and other similar stoppages during motorcades. Bawal din magsama ng below 18 years old at over 65 years old, ganun din sa mga may comorbidities at saka other health risks,” sabi ni Nobleza. Dagdag pa ng Lucena DILG Director na ang naatasan na mag-monitor sa pagsunod sa mga panuntunan na ito ay ang mga barangay officials, barangay health emergency response team (BHERT) ka-partner ang PNP at AFP.

Pin It on Pinterest