Ibang iba na ngayon ang Sangguniang Panlalawigan ng Quezon –BM Bong Talabong
Ipinagmalaki ni 2nd District Board Member Bong Talabong sa exclusive interview ng Bandilyo TV na ibang iba na ngayon ang kasalukuyang Sangguniang Panglalawigan ng Quezon. Ipinagmalaki nito na ang kasalukuyang sanggunian ay halos 100% ang attendance tuwing may sesyon at laging may quorum o sapat na bilang ng miyembro sa sanggunian. Ayon pa kay Talabong ay nagkakaisa ang lahat ng miyembro ng sangguniang panlalawigan sa kabila ng pagkakaiba-iba ng partidong kinabibilangan ng mga ito. Kahit mayroong pagkaka-isa ay nilinaw din naman ni Talabong na nagkakaroon pa rin ng palitan ng mga opinyon sa mga bagay na pinag-uusapan sa sanggunian. Mayroon anyang kanya kanyang paninindigan at paniniwala ang bawat isang miyembro ng SP Quezon na malaya sa ehekutibo.
Sa nakaraang panayam ng Bandilyo TV kay 2nd District Board Member Beth Sio ay nabanggit na rin nito na naiba na nga ang sangguniang panglalawigan ng Quezon. Binanggit rin ni Sio na on-time na ngayong magsimula ang sesyon ng sanggunian.
Kung matatandaan sa mga nakalipas na Sangguniang Panlalawigan Session ay palaging kulang sa quorum o miyembro upang makapagsimula ang sesyon. Maraming absent o hindi dumadating sa tamang oras ang mga bokal kaya hindi natutuloy ang sesyon ng mga ito. Sa ilang pagkakataon din ay nagsesesyon ang SP Quezon hindi sa session hall nito kundi sa ibang lugar na umani ng batikos hindi lamang sa media kundi maging sa mga karaniwang mamamayan.