News

Ilang Lucenahin, nagbigay opinyon sa bangayan ni Pangulong Duterte at mga kagawad ng Simbahang Katolika

Sa pananaw ng estudyanteng si Rosemarie, hindi raw makabubuti sa bansa ang tila bangayan ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng mga kagawad ng Simbahang Katolika.

“Nagkakagulo po. Nagkakawala na ‘yong pagkakaisa,” ani ni Rosemarie.

Kamakailan nagsalita ang pangulo laban sa mga obispo at sinabing ipokritong institusyon daw ang Simbahang Katolika at 90% na mga pari ay mga bakla. At paglaon, tila pagkambyo ng presidente at sinabing hyperbole o eksaherasyon lamang ang pahayag ni Pangulong Duterte nang sinabing patayin ang mga obispong walang silbi, kritikal, at panay banat lamang daw sa kanyang administrasyon.

“Kasalanan ‘yon. Dapat may basehan hindi ‘yong basta patayin lang nang patayin,” dagdag ni Rosemarie.

Ayon kay Spokesperson Salvador Panelo, ginamit lamang ng pangulo ang naturang pahayag para raw sa dramatic effect.

“No comment,” naman ang naging pahayag ni Aling Micaela.

Pero sa opinyon ng ilan, ang mga ganitong pangyayari ay hindi raw makabubuti sa bansa.

“Hindi maigi, pati pari at simbahan naman. Masamang pakinggan,” sabi naman ni Aling Marieta.

Giit naman ng kampo ni Presidente Duterte, dapat nang masanay ang publiko sa biro ng pangulo.

Pin It on Pinterest