News

Ilang Lucenahin, nagsabing mahirap pa rin ang kanilang buhay ngayong 2023

Marami pa rin ang mga Pilipinong nagsasabing sila’y naghihirap kahit nagbalik na ang halos lahat ng trabaho at establisimyento ngayong pandemya, ayon sa pagtatanong ng Bandilyo.ph at 89.3 FM Max Radio.

Sinabi ni Rick na isang Lucenahin mas lumala pa ang kanilang paghihirap dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

“Medyo tabingi pa po tayo ngayon, ang mahal ho eh mahal ang mga bilihin hirap pa rin ho yun ho ang ano namin sa pamumuhay namin ha”, Pahayag ni Rick.

Kahit ang mga negosyanteng si Teresa at Raquel, sinabing mahirap pa rin ang kanilang pamumuhay ngayon dahil sa taas-presyo ng mga bilihin at serbisyo.

“Mahirap ang buhay sa sobrang mahal ng bilihin tsaka sa hina ng bentahan walang masyado”, sabi niTeresa.

“Mahirap pa rin kasi sa mahal ng mga bilihin hindi kayang sa kinikita hindi kayang tumbasan sa mahal ng mga bilihin”, ayon kay Raquel.

Batay naman sa 2022 fourth quarter survey ng Social Weather Stations o SWS, 34% ng mga nasa hustong gulang na Pilipino ay naniniwala na ang kanilang kalidad ng buhay ay mas bumuti kumpara noong nakaraang taon.

Isinagawa ang naturang survey mula December 10 hanggang 14, kung saan nasa 26% naman ang nagsabing nadama nila na mas lumala pa ang kalidad ng kanilang buhay kumpara noong 2021 habang 39% ang naniniwala na ito ay nanatiling pareho.

Tinawag ng SWS ang terminong “gainers” para sa mga naniniwalang bumuti ang kalidad ng kanilang buhay, “losers” para sa mga nagsabing lumala pa ang kanilang buhay at “unchanged” para sa mga nagsabing nananatiling pareho ang kalidad ng kanilang buhay.

Pin It on Pinterest