News

Ilang lugar sa Infanta, kakabitan ng libreng WiFi

Nakatakdang bumisita ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa bayan ng Infanta, Quezon upang ipagpatuloy ang pagkakabit ng libreng Wi-Fi sa mga pampublikong lugar, kung saan ilang mga barangay at paaralan sa nasabing bayan ang matagumpay ng nakabitan nito.

Magiging katuwang sa programa ang Joint Venture of Comclark Network and Technologies Corp., We Are IT Philippines Inc., at TeleRed Technologies and Services, Inc. bilang partner service providers ng ahensiya.

Ilan sa mga lugar na magiging beneficiary ng Free Wi-Fi Program ay bibisitahin ng mga nabanggit na ahensya at service providers upang magsagawa ng site inspection at iba pang mga kaugnay na aktibidad.

Kabilang dito ang Cacawayan Elementary School, Kiborosa Elementary School, Magsaysay Barangay Hall, Magsaysay Elementary School, Miyunod Elementary School, at New Little Baguio Elementary School.

Kaugnay nito, isang pagpupulong ang ginanap kamakailan sa pagitan ng Lokal na Pamahalaan at Kagawaran ng Edukasyon upang talakayin ang mga kaukulang gampanin/obligasyon ng dalawang panig at iba pang mga usapin o concern tulad ng kawalan ng elektrisidad at mahirap na signal sa ibang parte ng Barangay Magsaysay, problema sa lokasyon at iba pa.

Ayon sa Infanta local government, ang programang ito ng DICT ay lubhang makatutulong sa mga mamamayan lalo’t higit sa mga mag-aaral at guro na siyang higit na nangangailan ng internet access para sa kanilang pag-aaral.

Pin It on Pinterest