Ilang tindera ng isda, pabor na ipagbawal sa bansa ang mga isda mula sa China
Sang-ayon ang tindera ng isda na si Terie na ipagbawal sa bansa ang mga isda mula sa China.
Katwiran niya, marami naman daw na isdang nahuhuli sa bansa kaya hindi na umano kailangan ang mga isda mula sa ibang bansa.
“Ipatigil dapat kasi marami na rin ditong isda na katulad niyan. Marami na rin ditong isda tapos dadating pa ang China, so ibig sabihin nagbabagsak presyo”.
Ganito rin ang katwiran ng iba pang tindera ng isda…
“Sa tingin ko lang marami naman tayong isda dito eh, sa tingin ko dapat ay itigil na kasi marami naman tayo dito”.
Sa opinyon naman ng tindera ng isda na si Felicita, tama lang daw na ipagbawal ito para hindi maapektuhan ang kabuhayan ng mga lokal na maliliit na mangingisda.
“Kasi para ang ekonomiya natin ang magtamasa ng ano mga mangingisda dito na lang kikita diba pabor din yon”.
Ito’y matapos hamunin ng isang grupo ng mga mangingisda kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ipagbawal sa bansa ang mga isda mula sa China.
Unang inihayag ng grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas o Pamalakaya ang kanilang matinding oposisyon sa importasyon ng 25,000 metriko tonelada ng isda hanggang sa darating na Enero.
Sinabi nito na ang mga imported galunggong ay karaniwang nahuhuli sa West Philippine Sea maging sa mga dagat ng Batangas, Mindoro at Palawan.
Inihayag ng gobyerno ang pag-angkat ng libo-libong tonelada ng ibat-ibang uri ng isda hanggang sa susunod na taon para may maipagbili sa mga palengke sa bansa.