Ilang tricycle driver sa Lucena City, pabor sa panukalang palakihin ang plaka ng mga motorsiklo
Matapos na makalusot sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang panukalang lakihan ang plaka ng mga motorsiklo, ilang tricycle driver sa Lungsod ng Lucena ang pumabor sa nasabing panukala.
“Maganda po yan para kita po ng tao kung makabangga, makikita po agad ‘yong number nila,” pahayag ni Nick Ladera.
“Mas lalong maganda para makita kung sinong mga gumagawa ng hindi maganda,” sabi naman ni Eddie Layon
Sa House Bill 8419, inatasan ang Land Transportation Office (LTO) na magpasya sa tamang laki ng motorcycle plate na dapat tiyakin na kita ang alphanumeric characters mula sa distansyang 12 metro.
Layon ng nasabing hakbang na maiwasan na magamit ang motorsiklo sa mga criminal activities.
Maliban rito, inoobliga na rin ang mga may-ari ng motorsiklo na i-report sa LTO sakaling ibenta ang kanilang unit at agad na pagpaparehistro sa bagong may-ari.
Gayundin ang pagre-report sa LTO kapag nasira o nanakaw ang kanilang plaka.
Sakaling maging batas, ang sinumang lalabag ay papatawan ng parusang P5,000 hanggang P20,000.
Pagkakakulong naman ang ipapataw na parusa at multa na P100,000 sa sinumang gagamit ng peke o nakaw na motorcycle plates.