Ilayang Dupay Elementary School, Handa na sa Limited Face-to-Face Classes
Lubos pa rin ang paghahanda ng mga paaralan sa Lungsod ng Lucena sa pagpapatupad ng limited face-to-face classes sakaling ibaba na muli ang alert level status sa siyudad.
Sa Ilayang Dupay Elementary School, handang-handa na daw ang paaralan sa pagsisimula ng face to face classes at tanging hudyat na lamang ng higher office ang inaantay upang masimulan ito, ayon sa School Head na si Leilani Tan.
“So far sir ang inaantay na lang namin ‘yung go signal na mag-i-start na po. Lahat naman po ay well-communicated mula po sa top management ng ating Central Office dahil tayo po sa DepEd, iniisip namin hindi po tayo mananatili sa ganitong sitwasyon kasi kailangan po ng mga bata na makabalik sa paaralan,” sabi ni Tan.
Sa darating na Biyernes ay magsasagawa daw ang paaralan ng simulation exercise kasama ang Barangay Health Emergency Response Team upang maiwasan ang banta ng COVID-19.
Pagpasok pa lang daw sa gate ng paaralan ay may nakahanda ng school map upang matukoy kung paano pipila ang mga bata. Naghanda din daw ang sila ng wash area at magkakaroon din pag-che-check sa temperatura. Isa din daw sa inihahanda nila ngayon ay ang pag-po-produce ng QR Code upang maiwasan ang direktang contact sa isa’t isa.
May nakahanda din daw na plano ang Ilayang Dupay Elementary School para sa magiging rotation sa pasok ng mga bata na hahatiin sa mga grupo.
“So halimbawa po, week 1 may 12 ang papasok na grade 1. Sila po ay papasok ng Monday – Friday. The following week si Class A ay modular, ang papasok naman po sa week 2 ay si Class B na another 12, ganun po,” saad ni Tan.
Pinuri naman ni Lucena School Division Superintendent Dr. Hermogenes Panganiban ang lahat ng pagsisikap na ito ng Ilayang Dupay Elementary School at sinigurong ganito din ang ginigawa sa iba pang paaralan sa Lungsod ng Lucena.