Ilog sa Tayabas City, nilinis ng mga kawani ng lokal na pamahalaan
Nilinis ng mga kawani ng iba’t ibang ahensya ng Pamahalaang Panlungsod ng Tayabas ang Alitao River na sakop ng Barangay Wakas nitong Biyernes, September 15.
Nasa 123 volunteers ang nakilahok sa 3rd Quarter River Clean Up Drive sa Alitao River ng nasabing barangay.
Kabilang sa mga nakiisa ang mga kawani ng lokal na pamahalaan ng Tayabas, BFP Tayabas, mga mag-aaral ng Colegio de la Ciudad de Tayabas, at delegasyon mula sa Saint Teresa of Sto. Niño Center at mga elected and appointed officials ng Barangay Wakas.
Tinatayang nasa mahigit isang toneladang basura ang nahakot ng mga ito sa ikinasang Clean Up Drive na inorganisa ng City Environment and Natural Resources Office ngayong 2023, bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng World Clean-Up Day.
Pinaalalahanan nina Mayor Lovely Reynoso-Pontioso at Vice Mayor Rosauro Dalida na makiisa sa pangangalaga ng kalikasan upang makaiwas sa sakunang maaaring idulot ng pagdami ng basura.