In-person Classes, Naging Posible sa Tulong ng Lokal na Pamahalaan
“Hindi natin kakayanin kung wala sila,” ito ang naging pahayag ni Schools Division Superintendent Dr. Hermogenes Panganiban kaugnay sa ibinibigay na suporta ng lokal na pamahalaan sa paghahanda at pagpapatupad ng face-to-face classes sa Lungsod ng Lucena.
Aniya, napalaking bagay ang ibinigay na tulong at suporta ng pamahalaang panlungsod at pambarangay sa muling pagbubukas ng mga paaralan.
“‘Yung papel na ginagampanan talaga ng ating LGU, ng barangay ay napakalaking bagay. Hindi natin kakayanin kung talagang wala sila na pag-alalay sa ating mga paaralan,” ani Panganiban.
Sinang-ayunan naman ito ni Dr. Epifania Carandang, School Governance and Operations Division (SGOD) Chief, at ibinahagi ang mga pagsisikap na ginagawa ng lokal na pamahalaan upang matulungan ang mga paaralan sa paghahanda sa in-person classes. Personal daw na dumadalo ang mga kapitan ng barangay sa mga ipinapatawag nilang meeting at hindi nagsasawang magbigay ng mga pangagailangan ng paaralan tulad ng PPE’s, alcohol at face mask.
Labing-pito nang paaralan sa Lucena ang nakapagsimula ng face-to-face classes at patuloy na hinihingi ni Carandang ng suporta hindi lamang ng LGU’s kundi maging ng mga magulang at estudyante upang tuluyang nang mabuksan ang lahat ng paaralan sa Lungsod ng Lucena. “Salamat sa pagtutulungan, muli po ang ating kahandaan ay hindi po kaya ng DepEd lamang, kaya patuloy po kaming nananawagan sa ating mga barangay captain, sa ating community, na suportahan po natin ang ating mga paaralan, ganun din po ang ating mga bata,” saad ni Carandang.