Indibidwal, grupo na may natatanging kontribusyon, kinilala ng MSEUF-CAS sa Banyuhay Awards
Binigyang parangal ng Manuel S. Enverga University Foundation (MSEUF) College of Arts and Sciences (CAS) ang mga indibidwal at organisasyon sa komunidad na nagpakita ng kahanga-hangang kontribusyon at impluwensya sa kani-kanilang propesyon sa idinaos na kauna-unahang Banyuhay Awards sa Casa Segunda.
“Kinikilala natin ang indibidwal, ahensya, na nagbibigay inspirasyon sa atin upang patuloy na magbagong anyo, umusad, at yumabong,” pahayag ni Dr. Claudia Odette Ayala, dean, College of Arts and Sciences.
Isa sa naging bahagi ng kasaysayang ito ang Bandilyo na kinilala ng MSEUF-CAS bilang ‘Intership Partner’ na katuwang ng unibersidad sa paglinang ng kakayahan ng mga mag-aaral sa media at broadcasting.
Tinanggap ni Niñel Pedro, operations manager ng Bandilyo ang naturang pagkilala.
Samantala, nagbigay pugay rin ang departamento sa alumni na nagtagumpay sa kani-kanilang larangan at sa mga local artist na patuloy na nagbibigay karangalan sa lalawigan ng Quezon.
Ang Banyuhay Awards ay hango sa terminong “Banyuhay” na ang ibig sabihin ay “Bagong Anyo ng Buhay.” Hangad ng institusyon na maganap ito taon-taon at mas mapalawak pa ang pagbibigay ng pagkilala sa iba’t ibang propesyunal at mga kinikilalang personalidad na nagtapos sa unibersidad.