Information drive hinggil sa Solo Parents Welfare Act, isinusulong
Sa pribilehiyong pananalita ni Konsehal Edwin Pureza sinabi nito na batay sa isinagawa nilang pananaliksik, lumalabas na marami pa rin ang hindi pamilyar sa Republic Act. 8972 o Solo Parent Welfare Act of 2000.
Sa kasalukuyan, marami pa rin umano sa mga solo parents ang hindi alam kung paano at anong benepisyo ang kanilang maaaring makukuha.
Habang ang ilan naman ay walang nakukuhang benepisyo sa kabila nang pagkakaroon ng Solo Parent I.D.
Kaya naman iminumungkahi ni Kosehal Pureza ang pagkakaroon ng Information Drive hinggil sa Republict Act. 8972 o Solo Parent Welfare Act of 2000 para sa pagpapalawig ng kaalaman ng mga Solo Parent sa lungsod.
Ayon sa DSWD ang solo parent na kumikita ng minimum wage o mas mababa dito ay mabibigyan ng buwanang cash subsidy na P1,000 mula sa local government unit, sa kondisyon na ang solo parent ay hindi benepisyaryo ng anumang iba pang cash assistance program.
Meron din 10% na diskwento at exemption mula sa value-added tax sa gatas ng sanggol, pagkain, micronutrient supplements, sanitary diapers, duly prescribed medicines, vaccine, at iba pang medical supplement.
Ang solo parent ay uunahin din sa mga murang proyekto sa pabahay sa pamamagitan ng National Housing Authority at bibigyan ng automatic coverage ng Philhealth.
Maaaring ma-access ng solo parent ang mga scholarship program sa pamamagitan ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), o Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).