Inilunsad na Barangay Police Volunteer sa Brgy. Ibabang Iyam, magpapanatili raw ng kaayusan at katahimikan
Inilunsad ng Sangguniang Barangay ng Ibabang Iyam sa Lungsod ng Lucena ang Barangay Police Volunteers na binuo ng mga Home Owners Association o HOA para sa kanilang mga lugar.
Ito’y bilang bahagi ng pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa lahat ng purok na nasasakop ng nasabing barangay.
“Tayo po ay nag-launching nung project po natin na tinatawag po natin na Barangay Police Volunteer ng Home Owners Association po dito po sa ating barangay. So tayo po ay nagpapasalamat sa ating pamunuan ng mga HOA sapagkat sila po ay tumugon sa ating panawagan na kung saan meron po tayong 13 HOA na nagbigay po sa atin ng nasa 276 na Barangay Police Volunteer po ng ating barangay upang sa ganon po ay mapanatili natin ang katahimikan ng Barangay Ibabang Iyam”.
Ayon kay Kapitana Gina Sares, magiging kaagapay nila ang nasabing mga volunteer sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa lugar.
Aniya, kasabay ng paglulunsad ng programa ay ang pagsasagawa ng isang oryentasyon para sa magiging tungkulin, responsibilidad ng isang police volunteer. Kasama din dito ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman ng bawat boluntaryo para sa tama, epektibo at mas mabilis na pagtugon sa mga sakuna sa komunidad.
“Malaking bagay po ito kaya nang ini-launched natin last Sunday at humingi rin po tayo ng tulong sa tanggapan po ng PNP at ganon din po ang bisita natin ang taga-CADAC dito para nagkaron tayo ng orientation upang sa ganon magkameron po tayo ng pagsasanay kung ano po ‘yung kanilang pwedeng gampanan bilang barangay police volunteer upang sa ganon ay hindi rin po mapahamak ‘yung atin pong volunteers,” saad ni Kapitana Sares.
Hindi lang daw basta Barangay Police Volunteer ang mga ito dahil may mga kagamitan din sila na magagamit sa kanilang pagpapatupad ng curfew sa mga menor de edad, pagroronda at pagresponde sa kanilang mga lugar.
“So tayo po ay nagbigay din po ng mga kagamitan na pwede po nilang magamit habang sila po ay tumutupad sa kanila pong tungkulin, ano po? Tayo po ay nag-request sa ating butihing Mayor Mark Alcala. Tayo po ay taos-pusong nagpapasalamat sapagkat tinugunan po ‘yung kahilingan natin na mabigyan po sila ng mga gamit gaya po ng flashlight, ng mga yantok na magagamit at the same time dahil wala pa po kaming icom radio. Nag-request po tayo sa ating butihing Mayor na kahit cellphone po kahit hindi android para mas mabilis po ‘yung way of communication naming,” sabi ni Kapitan Sares.
Ang barangay daw ay patuloy sa pagsasagawa ng mga aktibidad o programa na makakatulong sa mas ligtas at maayos na pamumuhay ng mga residente.