Insentibo Ibibigay sa Maayos na Waste Segregation sa Barangay
Plano ng Sangguniang Barangay ng Barangay 11 sa Lungsod ng Lucena na maghouse-to-house upang ipaalala muli ang tamang waste management sa kanilang lugar. Ito ang sinabi ni Kapitan Peter Daleon sa eksklusibong panayam ng Bandilyo.ph
“Nagpa-plano ang sangguniang barangay muli na i-implement namin yun waste segregation scheme kasi nung una maayos, sumusunod, nasusunod yung implementasyon ng waste segregation scheme, yung pagpapatupad namin ng waste segregation scheme ng RA 9003.”
Ayon kay Daleon, may gagayahin daw silang pattern sa pagpapatupad nito ng ibang barangay sa waste segregation scheme.
“Mayroong mga barangay na may nakita ako na maayos, so tinitingnan natin, tinitingnan natin ang pattern at gagayahin. Hindi masamang manggaya basta sa ikagaganda ng takbo ng barangay at humihingi ako ng tip sa ating mga kapitan kung ano ang kanilang sistema at kung ito’y applicable sa amin.”
Aniya, upang maipagpatuloy ang tamang pangangasiwa ng basura o ang paghihiwalay ng basurang nabubulok o hindi nabubulok sa nasasakupan plano ng barangay na magbigay ng insentibo sa mga residente nito na tatalima sa naturang kautusan.
“Mag-iisip kami ng mga pamamaraan kung ito ba ay kailangan ba naming na magbigay ng incentive sa mga kabarangay na tutupad at magsasagawa ng pagse-segregate. Kung kinakakailangang gawin basta lang matupad namin yan at maayos namin ang kalalagayan ng solid waste ng aming barangay.”
Ang tamang sistema daw sa pagtatapon ng basura ay may malaking tulong para maiwasan ang pagbaha lalo na sa panahon ng tag-ulan.