Joint Session ng SP Quezon at SB Pagbilao, Isinagawa, isang resolusyon ang ipinasa upang masingil ng buo ang pagkakautang ng buwis ng isang power plant
Isang joint session sa pagitan ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon at ng Sangguniang Bayan ng Pagbilao ang isinagawa upang hilingin kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapawalang bisa sa reduction at condonation sa buwis na dapat na binabayaran ng isang Power Plant na nakabase sa Brgy. Polo, Pagbilao, Quezon at pinamamahalaan ng Team Energy Corp. (TEC).
Lumalabas na umabot na raw sa higit na 9 Bilyong piso ang laki na ng pagkakautang sa buwis ng ng sabing planta ng kuryente
Umaga ng Jan. 23, makasaysayan ang naging tagpo sa Quezon Culture and Arts Center kung saan naganap ang bihirang pagkakataon sa Lalawigan ang pagsasama ng 2 Local Legislative Bodies upang bumuo ng nagkakaisang paninindigan upang maipaabot sa pangulo ng bansa ang kanilang pagnanais hingil sa usapin ng pagbabayad ng buong buwis sa Real Property ng Pagbilao Coal-Fired Power Plant sapagkat malaking tulong daw ito sa pagbibigay serbisyo sa mamayan ng barangay, bayan at probinsyang nakakasakop.
Sa pangunguna nina Quezon Vice Governor Third Alcala bilang Presiding Officer at Pagbilao Vice Mayor at Sangguniang Bayan Presiding Officer Shierre Ann Portes – Palicpic na dinaluhan ng lahat ng miyembro ng Provincial Legislative Board at Municipal Legislative Council, nagkakaisa silang nagpasa ng resolusyon para igiit ang kanilang karapatan sa tamang lokal na pagbubuwis hinggil sa mga tunay na ari-arian at makinarya sa nasabing power plant.
Sa joint session sinabi ni Bokal Bong Talabong matagal na raw na hinahabol ng Provincial Government of Quezon ang tamang pagbabayad ng buwis ng naturang planta, ilang gobernador na ang nagdaan subalit hindi naisakatuparan, kailangan na raw na masingil ang pagkakautang na ito sa buwis upang mapakinabang ng pamahalaang lokal bago sumapit ang taong 2025, dahil ang planta raw ay maililipat na sa NAPOCOR na posibleng hindi na masingil ang buwis na pagkakautang.
Unang kinondon ang pagbabayad ng buwis ng naturang planta noong panahon ni dating Pangulong Noy Noy Aquino, mula sa higit 6 bilyong piso nabayaran lamang noon ang Provincial Government ng higit 1.2 bilyong piso.
Ang Joint Session ay bunga ng liham na ipinadala ni Quezon Governor Doktora Helen Tan sa mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan noong Nobyembre 17, 2022 na humihiling sa mga bumubuo dito na magsagawa ng masusing pag – aaral hinggil sa ipinalabas na condonation ng Real Property Taxes, Interest at multa sa nasabing planta.