Kable ng Umano’y Internet Service Provider sa Bahagi ng Brgy. MarketView Delikado sa Daan
Delikado sa mga motoristang dumadaan ang umano’y internet cable ng hindi pa matukoy na internet service provider na nakalaylay sa kahabaan ng Greenhills Avenue, Barangay Marketview, Lucena City. Ang naturang kable maaari nang makadisgrasya ng mga motoristang dumadaan lalo ng mga riders dahil sa baba nito.
Mabuti na lamang at kaagad itong inaksyunan ng kapitan ng barangay, si Kapitan Edwin na mismo ang gumawa ng remedyo upang ang kable ay hindi na makapinsala pa. Ginawan na muna ng paraan, itinali na muna sa puno upang maitaas habang inaatay kung sinong internet server provider ang may pananagutan dito.
“Muntikan nang makadigrasya, lalo ng mga single na motor dahil ‘pag hindi po nila napansin maaaring po sumabit ito sa kanilang leeg o makasakit po sa mga pedestrian o mga motoristang dumadaan dito,” ani Kap. Edwin Napule.
Kaninang umaga, March 30, nang dumaan sa lugar ang isang truck, mabuti na lamang at kaagad na nakita ng driver ang naturang kable bago pa s’ya sumabit dito. Subalit sumabit naman sa isa pang kable, sinabi ng kapitan ng barangay walang sanang abalang mangyayaring ganito sa kanilang lugar kung maayos at responsible lang daw ang mga cable company sa pagkakabit ng kanilang mga kable.
“Ito nga po ay Greenhills Avenue kung saan ito ay major na kalsada sa amin kaya ang panawagan ko sa mga nagkakabit ng kable lalo na po iyong mga internet cable sevice provider ay makikisuyo na po na ayusin po nila at itaas po nila ang kanilang mga kable,” saad ni Kap. Napule.
Panawagan ni Kapitan Napule sa mga cable company, sana maging responsible sa pag-iinstall ng kanilang mga kable upang maiiwasan ang ano mang aberya na sa barangay unang inirereklamo at isinisisi. “Sana po ay matugunan po nila sa lalong madaling panahon.”