Kaguluhan sa Marawi City, pinauwi ng maaga si Pang. Duterte mula Russia
Nagdeklara si Pangulong Rodrigo Duterte ng martial law sa buong rehiyon ng Mindanao, kabilang na ang mga lalawigan ng Basilan, Tawi-Tawi at Sulu na tatagal ng 60 araw. Sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na ito’y kasunod ng pagsalakay ng Maute group sa Marawi City. Siniguro naman ni Abella at Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano na susundin ni Pangulong Duterte ang Konstitusyon kaugnay ng pagdedeklara ng martial law. Dahil sa pangyayari sa Marawi City ay mas pinili ng pangulo na huwag nang tapusin ang pagbisita nito sa Russia at umuwi na lamang ng Pilipinas
Humingi ng paumanhin ang delegasyon ng bansa sa mga opisyal ng Russia, pero ayon kay Cayetano, nauunawaan ng mga ito na prayoridad nila ang kaligtasan ng buong bansa.
Samantala base sa Section 18 ng 1987 Philippine Constitution, sa pagkakataon ng pananakop o rebelyon, lawless violence at nalalagay sa peligro ang sambayanan ay maaaring magdeklara ng Martial Law sa buong bansa o espesipikong lugar sa loob ng 60 days. Sa loob naman ng 48 oras ng pagkakadeklara ng Martial law ay kailangang mag-ulat ang pangulo ng personal o sa pamamagitan ng sulat. Magkasamang kapulungan naman ng kongreso ang magdedetermina kung itutuloy o palalawigin pa ang deklarasyon ng Martial Law sa pamamagitan ng botong mayorya ng lahat ng miyembro ng dalawang kapulungan.
Kung walang sesyon o nasa recess ang kapulungan ay mayroong 24 na oras upang mag-convene ang mga ito, may kapangyarihan din ang Korte Suprema na i-review ang basehan o legalidad ng deklarasyon ng Martial Law kung mayroong mag-file sa korte ng kaukulang proseso.
Hindi naman sususpendihin ang konstitusyon sakaling ideklara ang Martial Law gayon din ay hindi maaaring alisin o ipatigil ang pag-function ng civil courts o legislative assemblies.