Kalilayan Jiu-jitsu Club, labis na nagpapasalamat kay Coun. Manong Nick Pedro matapos kilalanin ang mga kabataang nag-uwi ng medalya
Labis na nagpapasalamat si RJ Salamillas ang head coach ng Kalilayan Jiu-jitsu Club kay Konsehal Manong Nick Pedro Jr. matapos kilalanin sa pribilehiyong talumpati nito sa isinagawang regular na session ng Sangguniang Panlungsod ng Lucena ang mga kabataang Lucenahin na nag-uwi ng mga medalya laban sa mga taga Southeast Asian Jiu-jitsu competitors sa ginawang 2023 South East Asian Gi and No Gi Friendship Games na ginanap sa isang mall sa Makati City kamakailan.
“Kami po ay nagpapasalamat ang Kalilayan Jiu Jitsu ng Lucena City po ay lubos na nagpapasalamat kay Konsehal Nick Pedro sa pagbibigay ng pagkilala sa ating mga manlalaro na nagrepresenta sa mga nakaraang kompetisyon at ito po ay magbibigay sa kanila ng ibayong inspirasyon para pagbutihin pa ang kanilang pag-eensayo”, pahayag ni RJ Salamillas.
Sinabi ni Konsehal Manong Nick sa kanyang talumpati, nararapat na papurihan at kilalanin ang ganitong pagsisikap ng mga kabataang Lucenahin.
“yan po ang kwento ng mga maliit na pagsisikap ng sector ng mga mamamayan natin, mga kabataang lucenahin . . . . na lumalaban para iangat ang sarili, para sa akin po mga kasama ang Kalilayan Jiu-jitsun Club of Lucena City . . . . deserved to be commended and recognized”, sabi ni Konsehal Manong Nick.
Ani Salamillas, hindi lang ito magsisilbing inspirasyon para sa mga kabataan ng Kalilayan Jiu Jitsu Club na pag-igihan pa ang kanilang matututunan sa pag-eensayo at bagkus ay magiging malaking hamon umano sa kanila ito upang muling makapag-uwi ng mga medalya sa lungsod sa mga susunod na kompetisyon.
“Magiging malaking hamon ito para sa Kalilayan Jiu Jitsu para pag-ibayuhin pa ang pag-eensayo para sa mga susunod na kompetisyon ay makapag-uwi pa rin tayo ng karangalan para sa Lungsod ng Lucena at Lalawigan ng Quezon”, pahayag ni RJ Salamillas.
Pinasalamatan rin nito ang Philippine Jiu-Jitsu Team bilang kapartner ng Kalilayan Jiu-Jitsu Club dahil sa pagbibigay sa mga ito ng dagdag kaalaman o istilo sa kompetisyon na naging dahilan para makapag-uwi ng mga medalya.
“Nais ko rin pong pasalamatan ang ating mga Head Coaches sa Manila kay Professor Jaguar Tang, kay Professor Allan Co, Professor Jolly Co, Professor Myron Mangubat at kay Coach Kimberly Anne Custodio ng CARPE DIEM and Philippine Jiu Jitsu Academy dahil sila po yung gumagabay sa atin dito sa Lalawigan ng Quezon, sa Lungsod ng Lucena”, sabi ni RJ Salamillas.
Ang Jiu-Jitsu ay isang Brazilian self depense martial arts at combat sports na sinasabing naka-focus sa grappling at submission.
Isang combat sport na hindi kailangang umatake kundi kasabay lang ng pagdepensa sa sarili laban sa katunggali.