News

Kasunduan para sa pamamahala ng basura sa Candelaria Municipal Hospital, pasado sa SP Quezon

Kasado na ang kasunduan ng pamahalaang panlalawigan at ng Environment Mgt. Precision, Inc. para sa pag-handle ng mga basura sa Candelaria Municipal Hospital.

Inaprubahan nitong Lunes ng Sangguniang Panlalawigan ang resolusyon na nagbibigay pahintulot sa dalawang panig na pumasok sa isang memorandum agreement para pagta-transport at treatment ng mga basura mula sa naturang ospital.

Ayon kay Quezon 3rd District Board Member John Joseph Aquivido, mahalagang bahagi ang hakbang na ito sa pagpapatakbo ng pagamutan.

Aniya, ang nasabing kompanya ang kukuha ng basura mula sa ospital at dadalhin ito sa kanilang pasilidad para sa treatment process at disposal.

Dagdag pa ni Aquivido, nilalayon din na maipapatupad ito sa iba pang mga ospital sa lalawigan.

“Nakapag-conduct na din po tayo ng pagpupulong kasama ang mga Chief of Hospital reminding them to enter into an agreement sa mga treatment facility.”

Samantala, iminungkahi naman ni 4th District Board Member Roderick Magbuhos na mapag-aralan ang maaaring pagbili ng pamahalaang panlalawigan ng kagamitan para sa waste treatment upang mas makatipid ang provincial government at maging income-generating project.

Pin It on Pinterest