News

Kayo ang nagbibigay kulay sa kampanyang ito – VP sa LGBTQIA+ Community

Bumaha ng iba’t ibang kulay sa Leni-Kiko Volunteer Center noong Lunes, Pebrero 14, habang nagpapahayag ng suporta ang LGBTQIA+ community sa pagtakbo bilang Presidente ni Vice President Leni Robredo.

“Nagpapasalamat din po ako in a very special way sa inyong lahat na kayo talaga ‘yung nagbibigay kulay sa kampanyang ito,” ani Robredo.

Masayang iwinagayway ng mga miyembro ng LGBTQIA+ community ang kanilang pride flags, isinuot ang kanilang sash na may markang “Robredo”, sumayaw sa campaign jingles, at itinaas ang kanilang mga Leni-Kiko tarpaulin bilang pagsuporta sa tandem.

Tinawag na Martsa Para sa Pag-ibig ang pride march na inorganisa ng LGBTQIA+ para kay Leni. Inendorso nila ang presidential bid ni Robredo at muling pinagtibay ang papel ng estado sa pagtataguyod ng karapatang-pantao para sa lahat.

Nagmartsa ang grupo mula sa Commission on Human Rights (CHR), Diliman, Quezon City at nagtapos sa Leni-Kiko Volunteer Center sa kahabaan ng Katipunan Avenue.

Ang mga LGBTQIA+ sa bansa ay nakararanas pa rin ng matinding diskriminasyon, eksklusyon, at karahasan araw-araw.

Ang Anti-Discrimination Bill ay unang iminungkahi noong 2000. Pagkatapos ng dalawang dekada, hindi pa rin ito naipapasa.

Noong 2021, itinanghal si Robredo na isang Equality Champ of the Year ng TLF Share, isang grupo ng mga advocates na nagsusulong ng sekswal na kalusugan, karapatang pantao, at empowerment ng mga LGBTQIA+, dahil sa kanyang pagsuporta sa LGBTQIA+ community.

Isa rin si Robredo sa mga sponsor ng Anti-Discrimination Bill noong siya’y nasa Kongreso pa.

Determinado pa rin si Robredo na palakasin ang pagkilala sa karapatang-pantao ng LGBTQIA+ community.

“Patuloy tayong mag-uusap, naghahanap ng paraan para sa lalong madaling panahon. Para lalong gumanda hindi lang ‘yung inyong sektor pero ‘yung lahat ng nangyayari ng ating tulong,” Robredo said.

Nagtapos ang selebrasyon sa isang covenant signing at isang Valentine’s Day concert.

Ang covenant, na nilagdaan ng 27 LGBTQIA+ na organisasyon, ay nagsaad ng mga mungkahing aksyon sa pagpigil sa diskriminasyon at karahasan laban sa mga taong LGBTQIA+; sa pagtugon sa kakulangan ng sapat na pondo at mga programang nakasentro sa kalusugan at kagalingan ng LGBTQIA+; at sa pagtugon sa kakulangan ng institusyonal na pagkakaisa at mga ligtas na espasyo para sa LGBTQIA+, at iba pang aspetong nakaaapekto sa kanilang kapakanan.

Ang mga miyembro ng LGBTQIA+ ay nagbigay ng 14 na rosas kay Robredo na kumakatawan sa kanilang mga pangarap at adhikain para sa kanilang sektor.

Sinaksihan din ng mga kinatawan ng iba’t ibang LGTBQIA+ organizations sa bansa tulad ng Philippine Anti-Discrimination Alliance of Youth Leaders (PANTAY), Bahaghari, UP Babaylan, Iloilo Pride, at Cebu United Rainbow LGBT Inc. ang event na inorganisa ng Robredo People’s Council. Ginulat naman ng Content Creator at 2022 White Castle calendar girl Sassa Gurl ang mga manonood sa kaniyang pagdating. Nagpahayag din ito ng suporta para kay Robredo.

Pin It on Pinterest