Konsehal Americo Lacerna, nagpahayag ng saloobin hinggil sa pagkuwestiyon sa ipinasang ordinansa para sa Infra Project sa Lucena City

Nagpahayag ng saloobin si Konsehal Americo Lacerna hinggil sa pagkuwestiyon sa ipinasang ordinansa para sa Infrastructure Project sa Lucena City.

Matatandaan kamakailan ay kinuwestiyon ng isang Bokal sa Sangguniang Panlalawigan ng Quezon ang Ordinansang nagtatakda ng pagkuha ng kaukulang clearance ng mga contractors bago magtayo ng Infrastructure Project sa Lungsod ng Lucena.

Marahil umano hindi masyadong naintindihan ng nasabing bokal ang isinasaad ng ordinansa dahil sa internet lamang ito nakita.

“Marahil hindi ho niya masyadong naintindihan dahil sabi po ng ating kaibigan at kumpareng bokal ay sa internet lang daw po nya napanuod at napakinggan marahil po ay hindi naintindihang Mabuti kung ano po ba yung isinasaad ng ordinansang ipinasa natin.”

Sa ginanap na regular session kahapon sa Sangguniang Panlungsod ng Lucena sa privilege speech ni Konsehal Manong Nick Pedro Jr. ipinaliwanag nito ang nilalaman ng nasabing ordinansa at ang magagandang maidudulot nito para sa Lungsod.

Kaugnay nito, ayon kay Konsehal Amer Lacerna na malinaw sa ipinasang ordinansa na lahat ng mga contractors ay dapat na kumuha ng clearance sa Pamahalaang Panlungsod, ito ay upang hindi magkaroon ng conflict sa mga proyekto.

“Malinaw sa ipinasang ordinansa na lahat ng mga contractors ay dapat na kumuha ng clearance sa ating Pamahalaang Panlungsod. Bakit po ba kailangan kumuha ng clearance? Dahil nga ho, meron din tayong mga pinaiiral na batas, meron din tayong iniingatan na mga programa at may inaayos din tayo sa ating Lungsod, nandyan din po yung CLUP natin na kung saan may plano tayo para s 3years, 5years at 10years plan. Ito po yung ating iningatan na huwag magkaroon ng komplikado dahil marami pong mga projects na ipinagawa na hindi po tumutugma dun sa ating mga programa para mas mapaunlad pa natin ang ating lungsod at mas maisaayos natin.”

Dagdag pa nito hindi hinahadlangan ng nasabing ordinansa ang mga proyekto ng National at Province Government para sa Lungsod.

“Hindi po hinahadlangan ang mga program ana manggagaling sa National o sa Provincial Government kung hindi inaayos po natin nang sa ganun po ay wag pong magpare pareho at maingatan din natin yung ating kalikasan ng ating Lungsod.”

Ayon pa kay Lacerna na huwag menusin ang kanilang kakayanan dahil pinag aaralan nila umanong mabuti ang bawat ordinansang kanilang ipinapasa.

“Hindi po porket walang abogadong nagtapos sa atin e tayo ay hindi na magagaling, hindi na tayo maaalam. Hindi naman ho tamang ganyung tayo ay menusin ang ating kakayahan dahil katulad ko ho na labing limang taon nang naglilingkod bilang Konsehal ng Lungsod ng Lucena. Ako ho ay nagtatrabaho ng tama at pinagaaralang mabuti ang mga ordinansa resolusyon na kailangang ipasa natin wag naman ho tayong husgahan agad dahil marami na po tayong napatunayan sa haba ng ating paglilingkod at pagmamalasakit at pagmamahal sa ating Lungsod, kalian man hindi natin ito ipinahamak o ipahiya ang ating minamahal na Lungsod ng Lucena.”

Samantala, ipinahayag din ni Konsehal Amer Lacerna ang kanyang pagsuporta sa pribilehiyong pananalita ni Konsehal Manong Nick Pedro Jr. ukol sa nasabing ordinansa.

“Kaya ako ho 100% na sumasama sa pribilehiyong talumpati ni Konsehal Manong Nick Pedro at inisa isa at nilinaw kung bakit tayo ay nagpasa ng ganitong ordinansa”.

Pin It on Pinterest