Konsehal ng Bayan ng Dolores, Quezon patay sa pamamaril
Patay sa pamamaril ang isang Konsehal ng Bayan ng Dolores, Quezon kaninang umanga, Nov. 18, 2022.
Kinilala ang biktima na si Orlando Barsomo, 47-anyos residente ng Barangay Dagatan.
Ayon sa report ng Dolores Municipal Police Station, bandang alas-3:15 habang naglalakad ang konsehal sa Purok Dos ng nasabing barangay nang bigla umano itong barilin ng hindi pa nakikilang suspek na kaagad na tumakas gamit ang hindi pa matukoy na kalibre ng armas.
Hindi na ito naisugod pa sa ospital, dead on the spot ang biktima.
Kung ano ang motibo sa pagpatay sa opisyal ay patuloy pang iniimbistigahan.
Ang mga awtoridad ay nagsasagawa ng manhunt operation para madakip ang salarin.
Ang insidente ng pagpaslang sa konsehal ay kinondena ng pamahalaang lokal.
Sa official social media account ng LGU Dolores, kinikilala ng lokal na pamahalaan ang mahalagang kontribusyon at ‘di matatawarang serbisyo at pagmamahal ng pinaslang na opisyal para sa Bayan ng Dolores.
Isa raw na maituturing na pinakamahusay na haligi ng kanilang bayan si Barmoso na nagbigay ng buong pusong paglilingkod para sa mga taga-Dolores na kilala sa kanilang munisipiladad bilang “A Big Man with a Big Heart”.
Si Konsehal Orlando Barsomo ay nagsilbi bilang 3-Term Municipal Councilor naging kapita at kagawad ng kanilang barangay.