Konstruksyon ng Luzon Pacific Highway sa bayan ng General Nakar, sinubaybayan
Upang matiyak na mahusay ang implementasyon ng mga mahahalagang proyektong pang-imprastraktura kabilang na ang paggawa ng mga tulay at kalsada.
Nagsagawa ang bayan ng General Nakar sa pangunguna ni Mayor Esee Ruzol ng pagsusuri at pagsubaybay sa ginagawang Luzon Pacific Highway o General Nakar – Dingalan Road sa Baybay Cluster.
Ang Luzon Pacific Highway ay ang mag-uugnay sa nasabing bayan sa Dingalan, Aurora at sa Region III.
Kasama ang Municipal Project Monitoring Committee, pinangunahan ang gawaing ito nina Regional Development Council Private Sector Representative and SCID Chairperson Engr. Ladislao Andal, Regional Project Monitoring Committee Secretary Valter Morada at iba pang mga kawani mula sa NEDA IV-A, OPPDC Russel Narte, OP-PMS Seth Florendo, Engr. Renato Ayapana mula sa DPWH IV-A, James Verano at Gil Gido mula sa DBM IV-A.
Ang Municipal Project Monitoring Committee naman ay binubuo ng tanggapan ng Municipal Planning Development Office o MPDO.
Ang gawaing ito ay naglalayong masubaybayang mabuti at masuri ang pagpapatupad ng iba’t ibang mga napapanahon at makabuluhang proyekto sa bayan ng General Nakar na pinondohan ng Pamahalaang Nasyonal at maging ng Pamahalaang Lokal.
Isa sa prayoridad na programa ng Punong Bayan ay ang mga proyektong pang- imprastruktura upang mas maiangat ang kalidad ng pamumuhay ng bawat Nakarin at mas mapabilis ang paghahatid ng mga programa at tulong sa taong bayan.