Kubo na sumasalamin sa Bayanihan, itatampok sa Mayohan Festival sa Tayabas City
Kapansin pansin ngayon ang isang kubo na itinatayo sa Bandstand sa Tayabas City na tila binubuhat ng apat na disenyong tao na gawa sa dayami, anok kung tawagin.
Ang kubo ay bahagi ng dekorasyon para sa Mayohan Festival 2023 ng naturang Lungsod na ayon kay Arthur Kean Abila Jr. ang Administrative Aide II ng Tourism Office ng Tayabas City ay sumasalamin sa pagbabayanihan kung saan nakapaloob ang buhay, pagmamahalan at kapayapaan na siyang simbulo ng Mayohan.
‘’Dito sa imahe na ito sumisimbolo ang life, love and peace so naandiyan ang life kung saan nandito ang buhay, nandito ang pagmamahalan ng mga Tayabasin at iyong pagkakaisa so andito po.”
Ang kubo ay hindi lang daw basta ginawa para dekorasyon at atraksyon sa loob kasi nito makikita ang lahat ng imahe ng mga aktibidad ng Mayohan Festival.
Ang mga materyales na ginamit dito lahat ay makikita at galing mismo sa kanilang lungsod.
“Yan kasi ay pergola tapos tinakluban naming siya ng oway, may roon tayong kawayan, mayroon tayong mga dayami at mga pawid so lahat ng materyales ay hindi natin kinuha sa iba.”
Hindi lang daw kilala sa mga heritage site, mga pagkain at turismo ang Lungsod ng Tayabas kilala rin ang Lungsod sa pagiging hospitable ang mga tao dito at matulungin na siyang simbolo naman ng mga anok.
Inaasahang matatapos ito ngayong katapusan ng Abril.
Sinisimulan na ang pagdedekorasyon sa Parke Rizal at Bandstand kung saan isasagawa ang karamihan sa mga aktibidad ng Mayohan Festival 2023 sa Tayabas.
Makukulay na banderitas at iba pang palamuti ang babalot sa paligid ng Tahanang Bayan at Parke Rizal na lalong magpaparamdam ng saya at sigla pagpasok ng buwan ng Mayo na siyang panahon ng Mayohan Festival na magsisimula sa May 5, na sisimulan sa parada ng baliskog ang Mayohan ay magtatapos sa May 16 mahigit dalawang linggong puno ng kasihayan bilang pagdiriwang sa kapistahan ni San Isidro Labrador ang patron ng mga magsasaka.