Labor Education at PNP Revitalized KASIMBAYANAN Program, patuloy na pinalalakas ng Quezon PPO
Patuloy ang pagpapalakas ng Quezon Police Provincial Office o QPPO sa kanilang Revitalized PNP KASIMBAYANAN program na kumakatawan sa Kapulisan, Simbahan at Pamayanan.
Sa pangunguna ni PCOL. Ledon Monte, Provincial Director ng Quezon PPO, muling nagkaroon ng pulong para sa sektor ng mga manggagawa sa Southern Luzon na isinagawa sa isang beach resort sa Barangay Talao-Talao sa Lungsod ng Lucena.
Naging panauhing bisita naman si Atty. Nepomuceno Leaño II, Assistant Regional Director, DOLE 4A upang talakayin ang labor education sa naturang sektor.
Layunin ng programang ito na palakasin ang pagtutulungan ng PNP at simbahan upang lubos na mapaglingkuran at magampanan ang tungkuling pangalagaan ang mamamayan.
Ang programang KASIMBAYANAN ay binibigyang kahalagahan ang magkatuwang na gampanin tungo sa pagkakaisa at pagtutulungan para sa matagumpay na pagpapatupad ng mga batas at programa sa kapakanan ng nakararami.
Samantala, nagkaroon ng paglagda sa commitment sa pagitan ng sektor ng manggagawa sa Southern Luzon bilang suporta sa KASIMBAYANAN program ng PNP.