Laman ng Commercial Establishment tinupok ng apoy sa Barangay Market View
Isang sunog ang sumiklab sa Barangay Market View, Lucena City kaninang ala-una ng madaling araw, September 29.
Tinupok ng apoy ang laman ng isang Glass and Aluminum Works Stall sa bahagi ng Market Avenue.
Wala namang napaulat na nasaktan sa insidente.
Mabuti na lang daw ayon sa pamunuan ng barangay ay kaagad na naupula ang sunog at hindi na nadamay pa ang mga kalapit na establisyemento at mga kabahayan.
Kaagad na rumesponde ang Emergency Response Team ng Barangay at itinawag sa Lucena City Fire Station.
“Ang ERT po natin ay kaagad pong rumesponde at kaagad po itong itinawag sa ating mga kawani ng mga pamatay-sunog. Kinordon po nila ang area, pinalabas ang mga tao nang sa ganun ay mailigtas po natin ang buhay, yoon po ang ating sinisigurado,” sabi ni Kap. Edwin Napule.
Sa report ng Lucena BFP, umabot lamang sa unang alarma ang sunog. Kaagad din itong naapula, 1:07 ng madaling araw nang maitawag sa kanila ang insidente, 1:25 am nang ideklara itong fire under control, 1:37 am idineklara na itong fire out.
“Sa awa po ng Diyos wala pong nadamay na building o kabahayan kasi ito pong structure na ito ay konkreto so na-contain na po kaagad naman ‘yung apoy kaya naman pong nadamay,” ani SFO1 Dennis Anthony Pepino, Ground Commander.
Sa inisyal na imbestigasyon, hindi bababa sa isang daang libong piso ang pinsala sa nangyaring sunog. Bukod sa mga laman ng tindahan, natupok din ang isang motorsiklo na nasa loob nito.
Sa ngayon patuloy pang iniimbistigahan ng BFP ang sanhi ng sunog.
“Ang nangyaring sunog ay under investigation pa po wala po.”
May paalala ng BFP sa publiko na patuloy na mag-ingat sa banta ng sunog, ang sunog daw ay walang pinipiling panahon.
“Huwag po nating ipagwalang bahala ang sunog kahit po tag-ulan ay maari rin pong magkaroon ng sunog.”