LGU Infanta, naglabas na ng panuntunan para sa darating na UNDAS 2022
Bilang paghahanda sa darating na araw ng mga patay o Undas, naglabas na ng mga panuntunan ang bayan ng Infanta, Quezon para sa mga nais dumalaw sa puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Ang pagdalaw sa mga pampubliko at pampribadong sementeryo sa nasabing bayan ay simula October 29 hanggang October 31, 2022.
Maaari namang maglinis o magpalinis ng mga puntod ng yumaong mahal sa buhay hanggang October 28, 2022.
Kinakailangan ding may stub at vaccination card ang sinumang dadalaw sa pampubliko at pampribadong sementeryo.
Ang bawat barangay ay may nakatakdang araw at oras ng pagdalaw.
Ang dalawang oras ng pagdalaw ay ilalaan para sa mga sumusunod:
Unang 30 minuto: Pagpasok sa libingan
1 oras: Pagdalaw
Huling 30 minuto: Paglabas sa libingan
Ang pamamahagi ng stubs ay pamamahalaan ng Sangguniang Barangay at magsisimula ang distribusyon nito bago ang itinakdang araw ng pagbisita.
Mahigpit na itinatagubilin ang pagtalima sa itinakdang iskedyul ng pagdalaw.
Para naman sa karagdagang paalala para sa ligtas na UNDAS 2022 ay ang mga sumusunod:
1.Sundin ang mga nakatalagang pasukan at labasan ayon sa mapa.
2.Magsuot ng face mask.
3.Ang mga sasakyan ay pinahihintulutan hanggang sa kanto ng Magpahinga St. at 20 De Julio St. na siyang magsisilbing Drop-off Point. Iwasan ang pagtatagal sa Drop-off Point para maiwasan ang trapiko.
4.Ipinagbabawal ang mga sumusunod sa loob ng sementeryo:
– Pagkain
– Paninigarilyo
– Baraha, alak at droga
– Matatalim at matutulis na bagay, armas o sandata
– Bisikleta, motor at anumang uri ng sasakyan
– Mga alagang hayop
– Videoke o anumang maaaring maging sanhi ng ingay at
– Pagtitinda
5. Hinihikayat ang lahat ng mga dadalaw na magdala ng sariling tubig upang maiwasan ang dehydration o heatstroke.