News

Lopez, Quezon nagkasa ng charity runwalk para sa kapayapaan

Nag-organisa ang bayan ng Lopez, Quezon na isang charity runwalk bilang pagsuporta sa pagtataguyod ng kapayapaan.

Sama-samang nag-alay lakad-takbo sa halos pitong kilometro ang iba’t ibang ahensiya na kasapi ng Peace and Order Council, Anti-Drug Abuse Council at Municipal Task Force to End Local Communist Armed Conflict ng bayan upang makapagpalaganap ng awareness.

Ayon sa local government, ang AKAY (Ambag sa KAtahimikan at kapaYapaan) Lakad at Takbo Tungo sa kapaYapaan ay bahagi ng pagdiriwang ng Peace Consciousness Week at pagpapatunay na ang mga mamamayan ng kanilang bayan ay nakikiisa upang makamit ang kapayapaan.

Bukod dito, nagkaroon din ng maigsing zumba mass dancing at pagpili sa Ms. AKAY 2022 at Ms. AKAY Fundraiser 2022.

Ang lahat anila ng nalikom na pondo sa mga gawain na ito ay gagamitin para sa mga mga programang pangkapayapaan at pangkaayusan ng mga piling accredited Civil Society Organizations.

Ibinahagi naman ni Mayor Rachel Ubana na magiging regular na ang gawain na ito ng lokal na pamahalaan bilang paghihikayat sa mga mamamayan na magbigay-suporta sa mga programang pangkapayapaan at pangkatiwasayan sa bayan.

Sa bisa ng Proclamation No. 675, idinideklara ang Setyembre bilang National Peace Consciousness Month. Layon nito na itanim ang higit na kamalayan at pag-unawa sa mga mamamayang Pilipino sa komprehensibong proseso ng kapayapaan at upang mapanatili ang institusyonal at popular na suporta para sa pakikilahok sa pagtataguyod ng pagbuo ng kultura ng kapayapaan.

Pin It on Pinterest