News

Lubak-lubak na daan sa Brgy. 9, inaksyunan

Nasa ikalawang araw na ngayon ang isinasagawang road asphalting ng mga kawani ng City Engineering Office sa Lungsod ng Lucena sa bahagi ng Perez Extension o tinatawag na Samang Hati ng Brgy. 9 at Brgy. 10.

Ayon kay Brgy. 9 Kagawad Gadison Dimaculangan, agad niyang ipinarating ang kahilingan ng kanyang mga kabarangay sa naturang ahensya ng lokal na pamahalaan ng Lucena na malagyan pansamantala ng aspalto upang maiwasan ang anumang uri ng disgrasya na maaaring mangyari dulot ng lubak-lubak na daan.

“Ito po’y ini-request sa amin ng ating mga kabarangay dito ito po’y Samang Hati ng Brgy. 9 at Brgy. 10 kumbaga nais po nilang mabigyan ng kaunting aspalto man lang pansamantala para hindi naman talaga lubak-lubak na daanan kaya po nagawan po ng inyong lingkod, nagawan po ng aming kasama na magrequest po tayo sa City Engineering,” ani Dimaculangan.

Aniya, ang pagsasaayos nito ay upang mapanatili na rin ang kaligtasan ng mga motorista sa lahat ng oras at maging ng mga taong naglalakad sa lugar.

“Napakaganda po na kahit papaano ay pantay na po ‘yung ating kalsada na makaiwas po ng anumang uri ng aksidente,” saad ni Dimaculangan.

Inaasahan namang ngayong araw din ng Martes ay madadaanan na ito.

Pinasalamatan din ni Dimaculangan ang mabilis na pag-aksyon ni Mayor Mark Alcala at ng City Engineering Office sa kahilingan niya na maisaayos ang lubak-lubak na daan.

“Sobrang lubos po kaming nagpapasalamat kay Mayor Kuya Mark Alcala, Vice Mayor Dondon Alcala sa ating City Engineering Department kay Engr. Tolentino at kay Engr. Jun Villaruel,” sabi ni Dimaculangan.

Pin It on Pinterest