Lucena City, ginawaran ng 2022 Gawad Kalasag
Tumanggap ang Pamahalaang Panlungsod ng Lucena ng 2022 Gawad Kalasag (Kalamidad at Sakuna Labanan Sariling Galing ang kaligtasan) Seal sa pamamagitan ng Lucena City Disaster Risk and Management Office sa pamumuno ni DRRM Officer Janet Gendrano na iginawad ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC sa Manila Hotel.
Ayon kay Lucena City Mayor Mark Alcala, ang award ay bilang pagkilala sa ipinakitang kahandaan, kaayusan at kapabilidad ng mga LGU’s sa tuwing may mga sakuna at pang-kalikasang insidente na nagaganap.
“Maganda po ang na-accomplished natin this year especially ‘yung response natin sa mga dumaan na sakuna sa mga dumaan na bagyo. Congratulations po sa ating DRRMO,” sabi ni Mayor Alcala.
May dalawang kategorya ng award ang ibinigay ng DILG sa Beyond Compliant sa mga LGU na nahigitan ang pagsunod sa mga pamantayan na may kinalaman sa pagtatatag at pagpapatakbo ng kani-kanilang Local DRRM councils at offices.
Ang Fully Compliant naman ay mga LGU na sinunod ang pangkalahatang pamantayan ng DILG.
Ang lahat ng pamantayan ay itinakda sa ilalim ng R.A. 10121 Sec. 11 at 12, kung saan nakasaad ang pag- organisa ng provincial, city at municipal MDRRMC, ayon sa batas.
Ayon sa DILG, ang mga napiling LGUs ay walang ipinakitang kahinaan at mabagal na pagkilos sa oras ng kalamidad.
Ang salitang KALASAG na ginagamit ng OCD ay pinaiksing salita na may kahulugang KAlamidad at Sakuna LAbanan SAriling Galing ang Kaligtasan. Batay na rin sa literal na kahulugan nito sa Filipino na ang ibig-sabihin ay panangga, panalag, pansangga o pananggalang.