Lucena City, ginawaran ng Outstanding Anti-Drug Abuse Council 2021 sa buong CALABARZON
Ginawaran ang Pamahalaang Panlungsod ng Lucena sa pamamagitan ng City Anti-Drug Abuse Office ng pagkilala bilang Outstanding Anti-Drug Abuse Council in 2021 sa buong CALABARZON ng Department of the Interior and Local Government o DILG CALABARZON.
Ayon kay CADAO Chief Francia Malabanan, ginawaran sila ng naturang ahensya dahil sa patuloy na pagsasagawa ng mga programa ng LGU Lucena laban sa ipinagbabawal ng droga at pagtulong ng mga ito na mapagbagong-buhay ang mga nasangkot sa nasabing bisyo.
Matatandaang magmula nang ipatupad ang Community Based Rehabilitation Program sa lahat ng mga barangay sa buong lungsod, pinagsikapang makabuo ng council na siyang tutulong sa pamahalaang barangay upang epektibong masawata ang ilegal na droga at mabawasan kundi man maubos ang mga nasasangkot sa paggamit at pagbebenta ng ilegal na droga sa kanilang barangay.
“Siguro po ang nakita po nila when it comes to Anti-Illegal Drug Program meron po tayong consistent na programa hindi lamang po tayo basta-basta nagsasagawa ng mga programa. Kung matatandaan natin nagsimula lang tayo sa regular na community-based rehabilitation program sa barangay ginaganap. Ngayon po patuloy nating isinasagawa ‘yung CBDRP at nagkaroon pa po tayo ng kaisa-isang facility dito sa Lalawigan ng Quezon which is Balay Silangan,” sabi ni Malabanan.
Kasama na din sa mga programang ipinatupad ng BADAC ay ang pagsasagawa ng SIPAG program para sa mga nais magbagong buhay. Regular ding nagsasagawa ng mga pagpupulong ang BADAC kasama ang Punong Barangay upang makita ang progreso ng kanilang Anti-Drug Campaign at kung ano pa ang mga dapat pagtuunan ng pansin sa kanilang patuloy na paglilinis ng kanilang lugar laban sa ilegal na doga.
“Dito naman po sa Lungsod ng Lucena, isa sa ipinagmamalaki ‘yung performance ng BADAC nung iba’t ibang barangay natin dito sa atin,” saad ni Malabanan.
Tiniyak naman ni Malabanan na maipagpapatuloy ng mga bumubuo ng CADAO ang maayos at magandang pamamalakad sa programang Anti-Drug Abuse upang mapanatili ang matahimikan at kaayusan sa lungsod.