Lucena LGU ginawaran ng pagkilala ng DSWD 4-A
Ginawaran ng pagkilala ng Department of Social Welfare Development (DSWD) Region 4-A CALABARZON ang lokal na pamahalaan ng Lucena City bilang supplementary feeding program best implementer ng taong 2020-2021 sa mahusay na pagganap ng LGU sa implementasyon at buong suporta sa supplementary feeding program ng Lucena City sa mga batang benepisyaryo ng naturang programa.
Sa harap ng mga kawani ng lokal na pamahalalaan, tinanggap ni Lucena City Mayor Mark Alcala ang Plaque of Recognition kasama ang City Social Welfare Officer at ilang opisyal ng LGU mula sa mga kinatawan ng DSWD Calabarzon.
Ang pakilalang ito ay may katumbas na halaga na P6,840,000 na magagamit sa patuloy na implementasyon ng nasabing programa para sa taong 2022-2023.
Bagay na malaking tulong sa pagpapatupad ng programa, ayon kay Mayor Mark Alcala.
Sa pagsimula ng taon, sa sunod-sunod na natatangap na pagkilala ng Lucena LGU, sinabi ng batang alkalde na magsisilbing motibasyon ito at inspirasyon sa lahat ng kawani ng pamahalaang lokal.
Iginawad din ng DSWD 4-A sa Lucena City ang may pinakamaraming nakapagtapos sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4PS sa buong Lalawigan ng Quezon na umabot ng 191 na benepisyaryo.
Sinabi ng mga kinatawan ng DSWD-4A na ang 191 na nagtapos sa programa ay posibleng mapalitan naman ng 8, 443 na magiging benepisyaryo ngayong taon.
Ginanap ang paggawad ng pagkilala noong umaga ng January 16, 2023 sa flag-raising ceremony ng pamahalaang lokal sa Lucena City Government Complex.