Lucena LGU, inilunsad ang Enhanced ‘Kadiwa’ Project
Inilunsad ng Pamahalaang Panlungsod ng Lucena ang Enhanced Kadiwa Project na proyekto ng Department of Agriculture o DA sa pakikipagtulungan ng City Agriculturist Office sa Lucena City Government Complex sa bahagi ng Brgy. Kanlurang Mayao nitong Lunes ng umaga, March 20.
Ang naturang Kadiwa Project ay isang grocery outlet na magbebenta ng mga prutas, gulay, itlog, karne at iba pang produkto sa mababang halaga.
“Nandyan po ang mga gulay, prutas, mga other spices po, mga karne, andyan din po ang other products gaya ng itlog at syempre binida rin po namin ang produkto ng Rural Improvement Club ng mga finished product.”
Ayon kay Dexter Landicho, Senior Agriculturist ng City Agriculturist Office, ang Kadiwa project ay isang win-win solution for both poor consumers and struggling farmers.
Aniya, sa ilalim ng nasabing proyekto, ang mga magsasaka ay pwedeng magbenta ng produktong agrikultura nang hindi nakikipagnegosasyon sa mga middlemen.
“Kasi po wala na po dito yung tinatawag na middleman, ma-aaccomodate po namin yung mga magsasaka na mag – incurred po ng additional cause sa pagtatransport po ng kanilang mga produkto dito po directly na pong mabibili ng mga konsyumer yung mga produkto ng mas murang halaga.”
Sinabi ni Landicho na ang paglulunsad ng proyektong ito sa lungsod ay iisang outlet pa lamang ang binubuksan at magtatagal ito hanggang Huwebes, March 23 at bukas ito simula alas 8:00 ng umaga hanggang alas 5:00 ng hapon.
Hinikayat ng City Agriculturist Office ang publiko na bisitahin ang Kadiwa Project ng lokal na pamahalaan at tangkilikin ang mga produkto rito para matulungan ang mga magsasaka at mga mamimili na makatipid.
“Hinihingi lang po namin ang inyong pagsuporta at syempre, suportahan din po natin ang ating mga lokal na magsasaka. Sabi nga “Buy Local, Eat Local” suportahan po natin ang kadiwa.”