Lugar na pagtatayuan ng ‘General Luna Residences’ ininspeksyon
Ininspeksyon nitong Miyerkules ng Department of Human Settlements and Urban Development o DHSUD ang lugar na pagtatayuan ng housing project sa bayan ng General Luna, Quezon.
Ang proyektong ito ay bahagi ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program o 4PH ng national government na naglalayong makapagtayo sa iba’t-ibang panig ng bansa ng 6 milyon ng housing units sa loob ng anim na taon.
Matatandang nakipagpulong nitong Pebrero si General Luna Mayor Matt Florido kay DHSUD Secretary Jose Acuzar upang hilingin na maging prayoridad ang kanilang bayan para sa pambansang pabahay.
Ayon kay Florido, matagal na nilang hangad na magkaroon ng maayos at matibay na tahanan ang kanilang mga residente lalo’t higit ang mga nangangailangan.
Kapag naisakatuparan ang proyekto ay tatawigan aniya itong General Luna Residences matapos hindi maaprubahan ang Balai Pagibig Village dahil sa may mga kahalintulad o kapangalang subdivision.
Ang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program ay opisyal na inilunsad nitong Setyembre ng nakaraaang taon at hindi bababa sa 15 LGUs na sa bansa ang nagsagawa ng groundbreaking para dito.