Mahigit 470 kapulisan sa Lalawigan ng Quezon, tumaas ang mga ranggo
Dahil daw sa kanilang tapat, buong puso at mahusay na pagtupad ng kanilang mga tungkulin bilang alagad ng batas, mahigit 470 kapulisan sa Lalawigan ng Quezon ang itinaas ang mga ranggo.
Umaga ng January 10, 2023 sa Quezon Convention Center sa Lucena City, isinagawa ng Quezon Police Provincial Office (QPPO) ang Simultaneous Mass Oath-Taking, Donning, and Pinning of Ranks ng mga promoted police personnel ng probinsya.
Pinangunahan ito ni QPPO Director PCol. Ledon Monte, sinabi nito sa harap ng mga promoted police ng lalawigan ang mga kaakibat at malaking responsibilidad sa pagtaas ng kanilang mga posisyon kung kaya’t inaasahan na patuloy nilang pagbubutihan ang mandatong iniatang sa kanila ng batas.
Matapos na maraming na-promote sa kanilang hanay, mas inspirado daw ngayon sila sa pagtatrabaho upang gampanan ang kanilang mandato sa bayan at mamamayan sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan, to serve and protect.
Sa hanay ng QPPO, promoted bilang Police Majors ang 8 police personnel, 33 Police Captains, 22 Police Executive Master Sergeants, 42 Police Chief Master Sergeants, 62 Police Senior Master Sergeants, 33 Police Master Sergeants, 121 police Staff Sergeants at 153 Police Corporals.