News

Mahigit 700M inilaan sa mga magsasaka at mangingisdang naapektuhan ng Bagyong Karding

Maraming magsasaka at mangingisda ang naapektuhan ng Super Typhoon Karding.

Iniulat ng Department of Agriculture-Disaster Risk Reduction Management (DA-DRRM) Operations Center na naapektuhan ng nasabing bagyo ang 150,693 ektarya ng mga bukirin sa Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, Bicol Region at Western Visayas ang may pinsala at pagkalugi na umakyat sa P2.02 bilyon.

Batay sa assessment ng Regional Field Offices, apektado ng bagyo ang humigit-kumulang 91,944 na magsasaka at mangingisda na may pinagsamang dami ng pagkawala ng produksyon sa 117,663 metric tons.

Kaya’t inihayag ng Department of Agriculture (DA) na mahigit P709-milyong halaga ng tulong at interbensyon ang ilalaan para sa mga apektadong magsasaka at mangingisda.

Ang Kagawaran ay mayroong Quick Response Fund na nagkakahalaga ng P500 milyon pesos na magagamit para sa agarang pagkukumpuni o rehabilitasyon ng mga nasirang pasilidad ng produksyon.

Nakahanda ring ipamahagi ang mga buto ng palay, buto ng mais, at binhi ng gulay na nagkakahalaga ng mahigit P170 milyon, P23 milyon, at P13 milyon, ayon sa pagkakasunod.

Bukod dito, mamimigay ang ahensya ng P2.45-million halaga ng farm animals, gamot, at iba pa sa ilalim ng livestock and poultry programs.

Gayundin ng fingerlings at fishing paraphernalia mula sa DA-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR.

Samantala, ang mga magsasaka at mangingisda ay maaari ring mag-avail ng mga pautang na hanggang P25,000 nang walang interes at babayaran sa loob ng tatlong taon sa pamamagitan ng Survival and Recovery (SURE) Loan Program ng DA-Agricultural Credit Policy Council (ACPC).

Pin It on Pinterest