Mahigit P2.7-M halaga ng shabu, nasabat sa Lucena City
Mahigit P2.7-M halaga ng shabu ang nasabat mula sa isang lalaki na hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa isinagawang drug buy-bust operation ng pinagsanib pwersa ng Provincial Drug Enforcement Unit ng ng Quezon PNP, PIU, PDEA 4A Quezon at City Drug Enforcement Unit ng Lucena PNP sa Brgy. Ibabang Iyam Lucena City nitong Linggo ng madaling araw, September 24.
Kinilala ni PCOL Ledon Monte, Provincial Director ng Quezon Police Provincial Office o QPPO ang suspek na si Khristian Joy Abenojar Medina alyas Tigas, 30-anyos at residente ng nasabing lugar.
Batay sa report ng pulisya, nakipagkita ang police poseur buyer sa suspek at matapos ang bentahan, hinuli ang lalaki.
Ang suspek ay kabilang sa listahan ng High Value Individual o HVI list ng Quezon PNP at dati nang nakulong dahil din sa kaso sa iligal na droga.
Nakumpiska ng mga awtoridad mula sa suspek ang humigit kumulang 135 gramo ng hinihinalang shabu at may street value na aabot sa Php 2,754,000.00 ang halaga nito at ang ginamit na 10 libong piso bilang buy-bust money.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Lucena City Police Station ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.