Malaking Dagdag Presyo sa Produktong Petrolyo, Ilang Tsuper Napakamot sa Ulo na Lang!
Napakamot na lamang sa ulo ang ilang tricycle driver sa Lucena City nang sabihin ng pump attendant ng isang gasolinahan na bukas ay nasa apat na piso ang itataas sa presyo ng gasolina.
Habang nagpapasalin kanina ang iba, hindi maiwasang madismaya sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo. Sinabi pa ng ilan, dahil sa hina ng pasada kapag magpapatuloy baka maghanap na lang sila ng ibang pagkakakitaan, ‘yong may siguradong arawan.
Ang isang delivery rider nagulat sa laki ng presyong idadagdag sa produktong petrolyo. Kung ngayon hikahos na sila, paano pa kaya kung magpapatuloy pa ito.
Kasado na bukas ang ika-sampung linggo sunod na taas presyo sa produktong petrolyo, isa itong bigtime oil price hike. Tatlo hanggang limang piso dagdag sa kada litro ang presyo ng produktong petrolyo.
Sa pagtaya ng Unioil, aakyat ng P5.30 hanggang P5.50 ang kada litro ng diesel.
Tataas naman ng P3.60 hanggang P3.80 ang kada litro ng gasoline.
Nasa P4.00 hanggang P4.10 naman ang itataas ng kada litro ng kerosene.
Sa kabuuan, nasa P10 hanggang P11 piso na ang itinaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Inaasahan namang maglalabas ng abiso ang oil companies kaugnay nito. Bunsod pa rin ito ng nagpapatuloy na giyera ng Russia laban sa Ukraine kung saan ang Russia ay ang pangatlong pinakamalaking oil-producer sa buong mundo.