News

Malawakang Job Fair ilulunsad sa Lucena City; unemployment rate sa bansa bumaba

Hirap daw makahanap ng trabaho si Ana Mae kaya pinasok n’ya ang pagnenegosyo sa pamamagitan ng pagtitinda ng mais at iba pa sa pampublikong pamilihan ng Lucena City upang magkaroon ng hanap buhay.

‘’Lalo na kapag wala kang natapos, sa katulad namin ang hirap po talaga makahanap ng trabaho, kaya nagnegosyo nalang po nakakaraos naman po sa pang araw-araw’’, ang sabi ni Ana Mae.

Kumpara noong kasagsagan ng pandemya, sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba nang malaki ang unemployment rate ng bansa sa 5.0 percent noong Setyembre 2022 mula sa 8.9 percent sa parehong panahon noong 2021.

Bunga ito ng masiglang pagpapatuloy ng mga aktibidad sa ekonomiya, dagdag na 2.2 milyong Pilipino ang sumali sa workforce, na nagpapataas sa rate ng labor force ng bansa sa 65.2 porsiyento noong Setyembre 2022 mula sa 63.3 porsiyento taun-taon.

95 por¬syento ang pagbilis sa rate ng pagtatrabaho noong Setyembre 2022, ang pinakamataas na naitala na rate mula noong Enero 2020.

Sa Lucena City, sa pagpapatuloy ng economic recovery ng pamahalaan magsasagawa sa syudad ng malawakang Job fair kung saan 18 partner agency ang lalahok para sa higit 900 trabaho.

Gaganapin ang job fair sa event center ng SM City Lucena sa darating na Nov. 11, 2022 na pangangasiwaan ng Public Employment Services Office ng lokal na pamahalaan.

‘’Mayroon po tayong gagawing malawakang job fair para po sa ating economic recovery Nov. 11 sa SM Event Center from 8:00 to 5:00 pm‘’, Ayon kay Ma. Cristina Encina ang hepe ng PESO Lucena.

Inaanyayahan dito ang mga Lucenahing naghahanap ng trabaho.

Sa pag-uulat ng PESO Lucena higit 18, 000 na indibiwal na ang kanilang nabigyan ng trabaho.

Pin It on Pinterest