Maraming oportunidad makukuha ng Quezon sa pagkakahirang bilang awardee ng Seal of Good Local Governance
Sa pamamagitan ng pagkilala sa lalawigan ng Quezon bilang awardee ng Seal of Good Local Governance o SGLG, maraming oportunidad ang mabubukasan para sa patuloy na kaunlaran ng lalawigan ayon sa lokal na pamahalaan. Kabilang dito ang pagkakaroon ng access sa Performance Challenge Fund, pag-i-isyu ng Good Financial Housekeeping Certification upang mangasiwa sa bank loan approval, at iba pang mga programa na napapaloob sa ilang mga alituntunin. Hangarin ng DILG na patuloy pang pagtibayin ng lalawigan ang natatangi nitong serbisyo at paninindigan upang makapagbigay sa mga mamamayan ng isang gobyernong may malasakit tungo sa pagbabago at patuloy na pag-unlad.
Pagmamalaki pa ng Quezon Provincial Government, ang lalawigan ay unti-unti nang gumagawa ng pangalan hindi lamang sa turismo at agrikultura, pati na rin sa iba pang programa na ipinagkakaloob sa mga mamamayan. Isa na rito ay ang Quezon’s First 1,000 Days of Life o Q1K na umaani ng papuri at pagkilala hindi lamang sa Pilipinas pati na rin sa mga karatig pang bansa sa Asya. Ang SGLG award ay ilan lang sa mga pagkilalang nakamit at patuloy pang ipinagkakaloob sa lalawigan ng Quezon sa ilalim ng administrasyon ni Gov. David Suarez.