Mas mabuting mamamayan pa rin ang maghalal ng barangay officials –Cong. Kulit Alcala
Iginiit ni Cong. Vicente Alcala na mas mabuti pa rin ang pagha-halal ng mga barangay officials kaysa appointment nito na nais ngayon ng kasalukuyang administrasyon. Sa eksklusibong panayam ng Bandilyo TV ay sinabi ng kongresista na kung ang mag-a-appoint ng mga opisyales ng barangay ay siguradong hindi maitatalaga ang mga kalaban ng mga ito. Kahit anya may kakayanan o magaling ang isang indibidwal para pagsilbihan ang barangay ay hindi ito mapapa-talaga kung kalaban ng nag-a-appoint o ng lider nito sa lokal. Sa halalan anya ay kung sino ang magaling para sa mamamayan ay ito ang ihahalal ng mga ito.
Kung matutuloy anya ang eleksyon ay hindi mahuhuli ito sa preparasyon dahil may pondo naman anya ang COMELEC. Ayon kay Alcala, kadalasang nagkakaroon ng postponement ng eleksyon ay kung hindi aabot o sadyang walang pondo para dito. Sa pagkakataong ito anya ay may pondong nakalaan para sa pagkakaroon ng eleksyong pambarangay.
Samantala ay sinabi pa din ni Alcala sa Bandilyo TV na kung sakaling maantalang muli ang eleksyong barangay ay malaki ang kanyang paniniwala na hold over capacity katulad ng dati ang mangyayari sa mga opisyales ng barangay sa halip na palitan at mag-appoint ng mga bagong opisyal na balak ng pamahalaang nasyunal.