Mataas na dagdag-singil sa kuryente, dagdag pahirap daw sa mga konsyumer ng Meralco
Patuloy na nga pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sumabay pa ang mataas na dagdag singil sa kuryente ang sasalubong sa Meralco consumers ngayong bagong taon.
Ito’y matapos na inanunsiyo ng power distributor na tataas ng P0.62 per kilowatt hour ngayon Enero.
Bagama’t hindi na raw bago ang serye ng mga dagdag-singil at taas-presyo para kay Angelica, kailangan daw magtipid at magdoble kayod sa paghahanapbuhay dahil dagdag pahirap daw ito sa kanila.
“Oo naman kasi syempre imbes na naii-save pa natin yung iba lalo na madadagdagan pa yung kuryente edi lalo nang ano diba, lalong nakakabigat nakakadagdag”.
“Tipid at tsaka double double job parang ganon hanap ulit ng iba kung meron kang trabahong dalawa, tatluhin muna lalo na kapag may family na malaki ganon tapos may pinag-aaral pa”.
Ang ibang ordinaryong mamamayan naman ay tila tanggap na ang serye ng dagdag-singil sa kuryente…
“Dapat lahat naman ng bagay ginagawa ay pagtitipid pero kung nandyan na yan wala naman tayong magagawa kundi sumunod na lamang ay wala naman tayong magagawa diyan sumunod na lamang tayo at kung may mga pagbabagong magaganap ay wala talaga tayong Karapatan sa posisyon para magdikta sa kanila ng ganyan eh”.
“Ay wala tayong magagawa eh ganon talaga, syempre pahirap pa rin imbes na yung iba ay pandagdag na lang sa bahay tsaka tubig nasa kuryente na”.
Dahilan ng Meralco tumaas ng P0.33 per kilowatt hour ang kanilang generation charge at dahil na rin natapos ang refund sa kanilang mga kustomer.
Mahal din ayon sa Meralco ang binili nilang kuryente sa ‘spot market’ dahil sa pagkalas sa kontrata ng San Miguel Corp.
Ang mga may average monthly consumption na 200-kilowatt hour ay magdadagdag ng P124 na bayad sa kuryente, samantalang P310 naman sa may konsumo na 500 per kilowatt hour kada buwan.