May Safety Seal o Wala, Protocols Inoobserbahan sa Dalahican
May Safety Seal man o wala, magpapatuloy raw ang mahigpit na pagsunod sa panuntunan laban sa hawahan ng virus sa tanggapang pangbaray ng Barangay Dalahican sa Lucena City. Para raw ito sa proteksyon ng mga empleyado lalo’t higit ng mga residenteng dumudulog dito para sa iba’t ibang transakyon.
Ayon kay Kap. Roderick Macinas, “ito po ay continuous na gagawin ng Barangay ng Dalahican, sapagkat nakikita po namin na nagiging epektibo ito sa paglaban sa COVID-19.”
Bago pumasok, kailangan mag-sanitize ng mga kamay gamit ang alcohol na nakalagay sa labas ng pinto, kailangang dumaan sa scanner para ma-check ang temperatura. Ang bawat lamesa ng mga empleyado may mga plastic barrier upang hindi direktang makasalamuha ang mga katransakyon.
“Ang Barangay Hall, ito ay puntahin ng mga tao, dapat hindi dito nakakapasok ang COVID-19,” dagdag pa ng kapitan.
Ang Barangay Dalahican ay ilan lamang sa mga barangay sa syudad na ginawaran DILG kamakailan ng safety seal na nagsasabing ang kanilang tangapan ay ligtas at nakakasunod sa itinakdang panuntunan laban sa banta ng COVID-19. Bagay na malaking hamon daw sa pamunuan ng barangay ang pagpapanatiling ligtas sa sakit ang kanilang tanggapan, na ayon sa kapitan ay patuloy nilang gagawin may Safety Seal man o wala.